Thursday, November 25, 2010

Ang Kanin, Parang Rice





May nakapagtanong na ba sa iyo kung ano ang paborito mong pagkain? Ano ang iyong isinagot? Leche flan? Lasagna? Sinigang? Ngunit may nakapagsagot na ba sa inyo ng kanin? Sino nga namang hunghang ang sasagot ng kanin? Ako! Isa akong hunghang. Sa dinami-rami ng pagkain, kanin pa ang aking napili. Bakit ko nga ba ito naging paborito?


Ang kanin ay nagmula sa binhing itinanim na naging palay at inani sa pamamagitan ng karet o makina at saka iginiling upang maging bigas, pagkatapos ay isinaing sa kaldero o sa "rice cooker". Ito ay may iba't ibang klase ng luto gaya ng garlic rice, java rice, japanese rice, pandan rice, garden rice ng Goldilocks, at pwede rin namang toyo rice katulad ng hilig ng kaklase ko. Nakakaadik rin ang kanin. Kadalasan, sinasabi ng mga tao, "Gusto kong magkanin!". Talaga naman kasing nakabubusog ang kanin. Kaya lang, 'pag nasobrahan ka, baka paggising mo na lang sa umaga, nasa "sumo wrestling" ka na.
Ang kanin ay nagtataglay ng carbohydrates na s'yang nakapagpapabusog at nakakapagpalaki ng katawan lalo na ng bilbil. 


Para sa mga "diabetic", lason ang kanin, sapagkat ito ay may kakayahang pataasin ang "sugar level" mo na maaaring maging dahilan ng unti-unting pagkawala ng mga parte ng katawan mo. Para itong tableta ng asukal na nalulusaw sa katawan. 


May iba't ibang tekstura at paraan ng pagkakaluto ng kanin. Mayroong matigas at hiwa-hiwalay ang mga butil, may malambot at sobrang dikit-dikit na para nang puto, may nasobrahan sa tubig na kulang na lang ay tuwalya ng baka para maging lugaw, at mayroon din namang katamtaman at swak na swak sa panlasa mo. Ang kanin o bigas ay mayroong ding mga uri. Isa na rito ang sinandomeng, denorado, ang "blockbuster hit" na NFA rice na 18pesos/kilo, ang pinakamasarap na Jasmine rice na nagkakahalaga ng 80pesos/kilo, at marami pang iba. Sa katotohanan, ang uri talaga ng bigas ang nakakaapekto sa tekstura at itsura ng kanin at kung paano ito magrereak sa pagluluto dito para maging kanin. Kaya kung gusto mong mag-enjoy sa pagkain ng kanin, pumili ka ng bigas na magandang isaing.


Hindi natin maikakaila na talagang sikat ang kanin. Sa katunayan, sa sobrang pagkaadik na tao sa kanin, inilagay ito sa sikat na sikat ding kasabihan ngayon: "Ang pag-ibig, hindi parang kaning mainit na pag isinubo't napaso ay pwede mong iluwa." Kung naging album lang ang kanin, siguro, "triple platinum" na ito ngayon o higit pa. At bilang pagbibigay-puri sa kanin, ito rin ang napiling ilagay sa napakainit, sariwang-sariwa, at pinag-uusapang kasabihan ngayon: "Kanin ang kainin mo para 'di ka maging bobo." Totoong pinag-uusapan na ito kahit siguro, bago mo lang ito narinig. Isa lang ang ibig sabihin n'yan, huli ka na sa balita. Mabuti pa'y ang habulin mo ang panahon, napag-iiwanan ka na.


Oo. Mahina ako. Tawagin mo na 'kong "weak" o kaya "emo", pero hindi talaga ako mabubuhay ng wala ang kanin. Kung manliligaw man sa 'kin ang kanin, walang pagdadalawang-isip ko itong sasagutin. Maniwala ka man o hindi, ang kanin ang dahilan kung bakit hindi pa ako nagkakaroon ng kasintahan hanggang ngayon. May mahal na ako at kanin iyon. Hindi man kapani-paniwala at sobrang walang kwenta ang sinabi ko, totoo iyon, pero 'wag kang maniwala. Pero hinahanap-hanap ko talaga ang kanin. Kulang ang isang araw kapag walang lumapat na mainit na kanin sa aking malapad na dila. Hindi ko rin kayang kumain ng kahit na anong ulam nang walang kanin. Pupusta ako, kahit kayo, hindi makakakain ng kare-kare nang walang kanin. Lahat ng ulam ay bagay sa kanin kaya nga marami akong kaagaw. Sa sarap ng kanin, sino'ng hindi mahuhumaling dito? Kaya nga kanin ang paborito kong pagkain.

17 comments:

  1. wow mitch. haba ah?! hahaha. iba ka talaga. pilipinong pilipino. makakanin! :)

    ReplyDelete
  2. Nice one Mitch. Sa pamagat pa lang na iyong ginamit ay napukaw na ang aking atensyon.Napakaganda ng pagkakagawa mo ng iyong artikulo. Masasabi ko na pinaghirapan mo itong gawin, madadama sa bawat salita na iyong ginamit ang emosyon na nais mong maiparating sa mga mambabasa. Ipagpatuloy mo lang ang pagsusulat ng ganitong kahusay na komposisyon at siguradong magiging mahusay ka na manunulat balang araw. Lubos akong nagalak sa pagbasa ng iyong munting komposisyon. Ang kanin talaga ang masasabi kong pinakapaborito ng mga Pilipino na pagkain. Maipagmamalaki ko na ako ay Pilipino at paborito ko din ang kanin. :)Hinding hindi mawawala sa hapagkainan ng bawat pamilyang Pilipino ang kanin ito ay matagal ng kakambal ng ating kultura ,kanin nga ang pangunahing pagkain ng mga Pinoy. :)

    ReplyDelete
  3. Kala ko 3 paragraphs lang? HAHA! Pero nice mitch. :> Mahusay!

    ReplyDelete
  4. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  5. Wow mitch...nag-iimprove!May point ka rin..naengganyo tuloy akong kumain ng kanin:))

    ReplyDelete
  6. very well said mitchie.in fact nga,this could also serve as a health guide especialy pra sa mga diabetic.well done

    ReplyDelete
  7. parang sumarap ang kanin dahil sau mitchie! hahah! pero maganda. may isang typo lang. yung "ang" pagkatapos nung "pa'y". :'P

    ReplyDelete
  8. wahahahaha! natawa ko dito! magkakasundo tayo micth sa pag-kain!!! MAHAL KO DIN ANG KANIN. kahit walang ulam. :)))

    ReplyDelete
  9. Wow. Haha. Nakakatawa yung hunghang! :D Sarap yan naman yan. Sana matikman ko balang araw. :)

    ReplyDelete
  10. Wow napaka-extraordinary! Bukas siguro'y paborito ko narin yan. Haha!

    ReplyDelete
  11. Kapag kanin ang pinag uusapan, Fried rice ang gusto ko! Kahit tadtaran nyo ng bawang kakainin ko! Basta maraming bawang masrap na ang fried rice! :D Good job :)

    ReplyDelete
  12. hahaha kanin, lagi nga naman itong kinakain siguro'y paborito ko rin ito hindi ko lamang nalaman. haha

    ReplyDelete
  13. Isa sa mga kahinaan ko ay ang kanin. Masarap kainin kasama ng paboritong ulam. Kaya ako tumataba. Haha.

    ReplyDelete